Ang Sumpa Ni Shaots

Bago pa man naging sikat ang salitang Friend Zone, at bago pa sumikat yung palabas ni Ramon Bautista sa YouTube na Tales from the Friendzone, isang kahindik-hindik na kaganapan muna ang mangyayari sa isang lalake na nag-aaral noon sa kolehiyo. Isang pangyayari na malaki ang magiging epekto sa kanya sa mga susunod pang taon ng buhay niya. Malaki talaga yung naging epekto, tindi nga eh. Pano ko nalaman? Eh kuwento ng buhay ko ‘to eh!

Teka, time first lang. Pag babae, kolehiyala. Ano pag lalake, kolehiyolo?

Eh di ayun nga. Isang araw, nakaupo lang ako nun sa classroom namin, wala pa yata yung professor ng susunod na subject. May kanya-kanyang kwentuhan sa bawat sulok ng classroom, at may iba din naman na may sariling ginagawa sa mga upuan nila. Isa yata ako sa mga yun.

Nang walang sabi-sabi, bigla akong kinausap nung kaklase kong babae na nasa kabilang upuan. Bilang isang estudyante, iniisip ko na baka may kinalaman sa mga subject namin yung pag-uusapan namin. Tsk. Kung alam ko lang sana, pinigilan ko siguro siya mag-salita.

“Alam mo, napag-usapan ka naming mga girls sa CR,” wika sa akin ng kaklase kong itatago natin sa pangalang Shaots. Yaan nyo na. Kung hindi ko siya bibigyan ng alyas, ang natitira ko na lang na pagpipilian eh baguhin yung kwento para maging matandang hukluban na lang siya. Hmm, pwede rin siguro.. haha.

Okay, freeze frame muna. Nung mga oras na yun, eto mga tumatakbo sa isipan ko:

1. Pinag-uusapan ako (wow sikat!)
2. Ng mga girls (girls! PLURAL!)
3. Sa CR (ooh bathroom tsismis ba ‘to?)

Inaamin ko, akala ko ganito yung naging usapan nila:

“Uy, kilala niyo ba si Ed?”

“Ay oo, yung kaklase natin na mahilig mag-gitara?”

“Ang cute niya no? Ahihihi”

OKAY. Alam ko na ang baduy at ang corny at ang babaw ng mga na-imagine ko. Eh malay ko ba, hindi ko naman kasi inaasahan yung sinabi sa ‘kin ni Shaots. Sobrang out of the blue. Sa edad kong disi-siyete nung mga araw na yun, hindi pa ko nagkaka-girlfriend, at wala pa din naman akong balak nun na magka-nobya. May mga nagiging crush ako, pero wala pa talaga sa isip ko yun.

“Ahh.. okay?” ang nasagot ko na lang nung sinabi sa ‘kin ni Shaots yung tungkol sa napag-usapan daw ako nilang mga girls.

“Yung tulad mo,” tuloy ni Shaots, “hindi pang-boyfriend material.”

HOY TEKA! Saan nanggaling yun?? Nung nagising ako kaninang umaga, wala sa hinagap ko na may magsasabi sa akin ng ganun. Mas lalo pa galing sa isang babae na di ko naman ka-close. Pero hindi eh, yun talaga sinabi ni Shaots:

“Yung tulad mo, hindi pang-boyfriend material.
Pang-friendly friend friend lang.”

ANO DAW?? Friendly friend friend? ANO YUN??

At dahil hindi ko na naman inaasahan yung narinig ko, ang nasabi ko lang uli sa kanya ay “Ahh.. okay.”

Wala ng iba pang sinabi si Shaots sa ‘kin pagkatapos nun. At hindi na rin ako nakaisip ng tanong para linawin yung sinabi niya. Gulat ako nung mga oras na yun. Ni magsabi nga ng pambara di ko nagawa eh. Kahit simpleng Lolo mo, friendly friend friend hindi ko naisip sabihin.

Pagkatapos nun, lagi ko na lang naiisip yung mga sinumpang salitang yun ni Shaots sa tuwing may makikilala akong babae na magugustuhan ko. Lalo na kapag nararamdaman ko na dehado na naman ang lagay ‘ko at mukhang hanggang kaibigan lang magiging tingin sa akin nung mga nagiging crush ko. Naiisip ko uli yung mga sinabi sa ‘kin ni Shaots, pero mas malala na kasi may kasama ng echo kapag nai-imagine ko:

Yung tulad mo, hindi pang-boyfriend material (yal) (yal)
Pang-friendly friend friend lang (lang) (lang)

Nung mga panahong yun talaga, hindi ko maiwasang matanong sa sarili ko, hanggang kaibigan lang ba talaga ako? Tapos iko-correct ko yung sarili ko, kasi nga naman, mas malala pa sa pagiging “hanggang kaibigan lang” yung “tadhana” ko, di ba? Di lang ako basta friend. Di rin ako basta friendly friend. Pang friendly friend friend nga lang daw ako lintik yan.

Natatawa na lang ako ngayon pag naiisip ko yung kwento na ‘to. Dahil makalipas ang higit sampung taon ng pagiging hari ng sablay, pambansang kuya, at ng pagiging isang “friendly friend friend lang”, masaya ako dahil natapos na din yung sumpa sa ‘kin ng kaklase kong si Shaots. Mula sa prinoblema ko na single pa rin ako, hanggang sa nagpaka-emo ako, hanggang sa nawalan na lang ako ng pakialam, hanggang sa dumating sa punto na nasa tamang lugar ako, sa tamang oras, at sa tamang pagkakataon. At ngayon, ginagawa ko na lang kuwentong biro ‘to sa mga kaibigan ko.

Kung iisipin mo talaga ng mabuti, wala naman talagang sumpa. Ako lang naman ang nag-isip nun, dahil nga ang malas ko noon sa pag-ibig. Ako lang naman yung ma-drama na inisip na wala na siguro makakakita sa akin na karapat-dapat ng pagtingin nila. Pero ayun nga, sa dinami-dami ng inaakala kong alam ko, di ko rin pala talaga masasabi na sa ganitong araw, ganitong oras, at ganitong pagkakataon, makikilala ko ang taong ire-reset yung puso ko. Lahat ng naging crush ko, lahat ng sumakit sa damdamin ko, at lahat ng swabeng rejection na naramdaman ko, wala ng silbi yung mga yun sa ‘kin bukod sa pagturo sa ‘kin ng mga aral na naging instrumento para mas maging mature pa ako. Hindi dahil nasaktan ang puso ko noon, eh ibig sabihin nun na gugunaw na ang mundo. Hindi.

Kung hinayaan ko siguro talaga na lamunin ako ng kathang-isip kong sumpa, wala siguro talagang mangyayaring pagbabago sa buhay ko.

Wala ring mangyayari, kung pag-isipan pa
Maghihintay na lang, kung sino man iyon
Dapuan ng puso ko.. tuloy pa rin ako
Side A, “Tuloy Pa Rin Ako”

-Ed. E.

Advertisements

What did you think of this entry? Would love to hear your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s