Maalaala Mo Kuya

“Ano pangalan mo, Kuya?”

Tsk. Wala na. Nung narinig ko yung tanong sa kin nung babaeng katabi ko unang araw palang ng pagkikita namin, parang ang tumatak lang sa isipan ko eh yung salitang pinantawag niya sa akin:

Kuya.

Sayang, ang cute nya pa naman. Pero wala, parang magic, nawala ang kung anong spark na akala ko meron sa unang pagkikita namin. Kung nangyari ‘to ngayong taon na ‘to, may parte siguro ng utak ko na sumisigaw ng “BOOM PANES!”. With matching dance moves na masakit sa mata. Haha ungas. Sinagot ko ang tanong nung babae at nagpakilala ako. Hindi sa kanya magtatapos ang kwento ng pagiging pambansang kuya ko, dahil sa mga susunod pang araw, madadagdagan pa ang mga nakababatang “kapatid” ko.

Balik muna tayo saglit dun sa babaeng nakilala ko nung unang araw ko sa trabaho, mga mag-aapat na taon ng nakalipas. Kasi tungkol naman sa kanya ‘to, at kung papano ako naging parte ng buhay nya, bilang isang nakatatan– bilang “Kuya” niya. Itago natin siya sa pangalang “Hansel”. Parang yung pambatang kuwento na Hansel & Gretel, kasi bata naman siya tignan. Ayun. Game?

Eh di yun nga. Kuya na nga tawag niya sa akin magmula nung araw na yun. Tinanggap ko naman, kasi nung time na yun, yun lang naman kaya kong gawin. Pag may tumatawag kasi sa akin ng “Kuya”, babae man o kahit pa lalaki (akalain mo yun!), wala naman kasi sa ugali ko na sabihing “Wag mo na kong i-kuya, utang na loob”, o di kaya ay “Mas mukha kang matanda sa akin, kilabutan ka naman.” Tsaka nung dati, nag-desisyon na ako na kapag may tatawag sa akin ng “Kuya”, eh di ituturing ko talaga yung tao na yun na parang nakababata kong kapatid. Nakakatawa yun para sa akin, kasi bunso ako sa pamilya namin.

Lumipas ang mga taon, at naging mabuting magkaibigan kami nitong si Hansel. Pag may libreng pagkakataon at nagkataong dala ko yung gitara ko, paborito naming gawin sa opisina ang magkantahan. Minsan kasama pa namin yung mga kaibigan namin sa team. Maganda sa isang kumpanya ang may ganung level ng samahan.

Kantahan. Kwentuhan. Tawanan. Minsan babasahin ko yung mga sinusulat ni Hansel na katha. Isa rin kasi siyang manunulat; maganda yung mga nabasa kong gawa niya, medyo matagal lang siyang mag-update. Isang araw, nalaman ko na lang na aalis pala siya para mangibang-bansa. Gaya nung ibang paglisan na nasaksihan ko (at masasaksihan pa), nalungkot ako. Nababawasan yung mga nakakasama kong mag-concert dito sa area namin. Pero siyempre, ganun talaga ang buhay.

Hindi naman natapos ang pagkakaibigan namin ng dahil lang sa magkalayo kami. Paminsan-minsan, nakakapag-usap kami ng tungkol sa kung anu-ano.  Minsan, mga bagay na seryoso ang pag-uusapan namin. Heart-to-heart, kumbaga.

Pag mga ganun yung usapan namin, natutuwa ako. Natutuwa kasi nararamdaman ko na kahit papano eh pinagkakatiwalaan niya akong sabihan ng mga kuwento nya. Siguro nga dahil alam niyang makakakuha siya ng opinyon o payo mula sa isang nakatatan– mula sa isang taong masaya kausap!! Uhm.. ayun. Nakatulong din siguro na naranasan ko na yung kasalukuyang pinagdadaanan nila ng manliligaw niya. Pero mas maganda yung kuwento niya kasi kumpleto lahat ng letra. Yung akin LD lang eh. Haha ungas.

“Mahirap maghanap ng wala.”

Eto ang sinagot sa akin nung manliligaw ni Hansel nung tinanong ko siya kung bakit si Hansel ang pinipili niya. At OO, Kuya din ang tawag sa akin ng lalaking ‘to. Tawagin natin siya sa pangalang.. Chase.  Kasi di ba, pag nanliligaw ka, parang may hinahabol kang pangarap, ganun. So etong si Chase, matalinghaga yung sinabing sagot sa akin, pero pinaliwanag naman niya. Mabuti na lang, kung hindi iisipin ko sumisinghot siguro ‘to ng Rugby. Nakuntento naman ako sa sinabi niya. Totoo naman talaga. Pag nakita mo na ang matagal mo ng hinahanap, hindi mo na papakawalan pa ito. Bakit si Hansel ang pinili niya? “Dahil… siya,” ang sagot sa akin ni Chase.

“Mahirap magtanong ng walang sagot.”

Isa pa ‘tong si Hansel eh. Umuwi kasi siya dito nito lang, at dahil nga sa mga naging kuwentuhan namin nung mga nakaraang buwan, minabuti ko na kausapin siya ng personalan. Sabi nga sa TV, yun ang unang hakbang. Paliwanag niya, marami tayong iniisip pag natatakot tayo; marami tayong tanong. Tanong na mananatiling walang kasagutan, hangga’t hindi natin inaalam, sinusubukan. Sa ganitong sitwasyon, magtiwala lang tayo sa Diyos, at sa sinasabi ng puso natin. Pag ginawa natin yun, wala ng dapat itanong pa.

“Huwag mong ikatakot na natatakot ka.”

Ang lagay eh, sila lang? Haha. Eto ang sinabi kong payo kay Hansel tungkol sa kasalukuyan niyang agam-agam sa magiging desisyon niya. Alam na niya kung ano ang isasagot niya, pero hindi talaga maiiwasan na makaramdam siya ng kaba, o pag-aalinlangan. Sinabi ko kay Hansel na natural lang na matakot siya, dahil hindi naman biro itong papasukin nila. Pero kung gaano siya nag-aalala sa pwedeng mangyari, alam kong ganun nya din papahalagahan ang pagkakataong ipagkakaloob sa kanila ni Chase. Hindi ko sinasabing magpakasal siya agad; ang hinihingi ko lang ay bigyan niya ang sarili nya ng pagkakataon. Gaano man kadilim ng nakalipas, hindi nito dapat takpan ang liwanag ng bukas. Isa pa, sa panahon na nakilala ko si Chase, alam kong mapagkakatiwalaan siya.

Ang ending? Ayun, naging sila! Masaya lahat ng nakarinig ng balita. Umalis na uli si Hansel pabalik sa bansang pinagtatrabahuhan niya. At si Chase naman eh nanatili dito para ipagpatuloy ang mga plano niya. Ako? Ayun, Kuya pa rin ako nitong dalawang mag-irog na ‘to, nakahandang makinig sa kuwento ng bawat isa. Nung pagkabalik nga ni Chase sa opisina mula sa bakasyon, nagpakuwento agad ako. Sinabi ko rin sa kanya ang sinabi ko noon kay Hansel na malaki ang tiwala ko sa kanya. At gaya ng isang mabuting Kuya, sinabi ko pa rin kay Chase ang mga salitang gusto ko sanang isapuso niya:

 
Ingatan mo si Hansel, ha.
 
-Ed. E.

Advertisements

5 thoughts on “Maalaala Mo Kuya

What did you think of this entry? Would love to hear your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s