Tuloy Ang Laban!

Pambihira. Anong oras na, gising pa rin ako. Ayaw ako dalawin ng antok. Ang nakakaasar n’yan, sa pag-gising ko, ayaw naman akong lubayan ng antok. Akala mo walang bukas. At kung magawa ko mang bumangon, alam kong hindi pa dun nagtatapos ang mga hamon na dapat kong lampasan. Hindi ko pa nga nakukuwento yung tungkol sa perwisyong trapik na yan. Pero saka na yun.

Natutuwa lang ako pag iniisip kong umabot na ko ng dalawang taon sa pinapasukan kong kumpanya ngayon. Nakakatuwa, dahil magda-dalawang taon na kong ginagawa itong matagal ko ng pinangarap na trabaho. Magda-dalawang taon na ng hindi ko pinopormang baril ang mga daliri ko at binabaril ang sentido ko. Tapos na ko sa mga araw na pakiramdam ko walang patutunguhan ang mga ginagawa ko. Magda-dalawang taon ng nagagamit ko ang mga natutunan kong technique sa mga dati kong trabaho, upang mapagbuti ang aking sarili, at makatulong sa aking mga kasama.

Siyempre, hindi naging madali ang tinahak kong daan para makarating sa puntong ito. Gaya ng lahat ng paglalakbay, nagsimula ang kwento ko na tuwang-tuwa ako sa ginagawa ko. Yung pakiramdam na may nagagawa kang makabuluhan sa mga talentong ibinigay sa ‘yo, at may dumadali ang buhay dahil natutulungan mo. Dumarating ang pagsubok, pero kahit papano eh nagagawa mong magpatuloy, dahil may mas mahalagang dahilan sa likod ng iyong pakikipaglaban.

Hanggang sa unti-unti, mararamdaman mo na hindi ka na natutuwa sa mga nangyayari sa buhay mo.

Nung huling nangyari sa kin ang ganon, pinili ko ang paglisan, at magsimula muli sa isang bagong landas. Bagama’t hindi naging madali ang iwan ang mga naging kaibigan sa dating kumpanya, masasabi kong nakatulong ang aking pag-alis higit sa lahat sa akin, upang matagpuan ko ang aking sarili, at ang iba pang talentong naghihintay lang ng pagkakataon para magamit. Nakatulong ito upang maipakilala ako sa iba pang mundo, at dahil dun ay mas lumawak kahit papaano ang aking pag-iisip.

Ngayon, mga isang linggo na ang lumipas mula nung nag-dalawang taon ako sa aking trabaho. Unti-unti nang dumarating ang mga pagsubok. Unti-unti nang hinahamon ang aking mga kakayahan. Unti-unti nang sinusubukan ang aking pasensya, na wari’y gustong malaman kung hanggang kailan bago ito tuluyang maubos. Ganun pa man, nagagawa ko pa ring ngumiti. Ito ang landas na pinili ko, at magpapatuloy ako sa pagharap sa bawat darating na hamon, hangga’t kakayanin ko.

 

Ngayon pa lang magsisimula ang tunay na laban.

 
Dehado kung dehado
Para sa’n pang mga galos mo
Kung titiklop ka lang?

-Spongecola, “Puso”

 
-Ed. E.

Advertisements

What did you think of this entry? Would love to hear your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s