Hindi Tama Yan

Pauwi na sana ako mula sa lakad namin kanina ng mga kaibigan ko. Sa tapat ng isang malaking mall, pinag-iisipan ko pa kung magta-taxi ako, o kung magbu-bus na lang. May ilang tao din akong kasabay na naghihintay ng masasakyan. Isa na dun ang isang babae na may dalawang plastic bag na nasa paanan n’ya. Nag-grocery siguro, sa isip-isip ko. Hawak nya ang kanyang telepono, at mukhang may ka-text o kausap, hindi ko na inalam pa kung ano. Nagpatuloy ako sa paghihintay ng masasakyan, at sa pagtitimbang kung ano ba dapat ang sakyan ko. Ilang minuto lang at umalis ang babae mula sa pwesto n’ya, at naglakad sa direksyong pa-loob ng mall. Nand’yan na siguro yung sundo.

Kung magbu-bus ako, hihintayin ko pa mapuno yung susunod kong sasakyan na jeep. Kung magta-taxi naman ako, di hamak na mas mahal ang pamasahe nun. Nasa kalagitnaan ako ng pagmumuni-muni ng bigla kong mapansin na parang may kaguluhan sa may likuran, tabi ng isang taxi na nakaparada. Mukhang may lalaki at babae na nagtatalo; yung babae eh yung nakita ko kanina. Nagulat ako ng nakita kong pinagbuhatan ng kamay ng lalaki yung babae. Hindi suntok, hindi rin yata sampal. Binatukan n’ya yata ng malakas dahil makikita mo ang mabilis na pag-galaw ng ulo ng babae. Nang mga panahong yun, nanlalamig ako, kahit pa nagagalit na ko sa nakikita ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa lamig ng hangin, o kung sa takot, pero hindi ito ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng ganito. Yung pakiramdam na hindi ka makakilos dahil sa nerbiyos, na alam mo na dapat kang makialam pero may pag-aalinlang sa puso mo. Hindi ko alam kung pano ako lalapit, kung papano ko pipigilan ang nakikita kong pang-aabuso. Pero kahit nanginginig ako sa kaba nung gabing yun, mas nangingibabaw sa ‘kin ang galit.

Galit, dahil hindi ko masikmura ang mga ganung eksena ng pananakit sa babae. Galit, dahil yung driver ng taxi na nasa tapat lang nila eh walang ginagawa. Galit, dahil habang mas lalo akong nagtatagal sa kinatatayuan ko, mas hinahayaan ‘kong magpatuloy ang pananakit na iyon. Kita ko na umiiyak ang babae, at yun ang isang bagay na hindi ko mapapalampas.

Nagsimula akong humakbang, papalapit sa kanila.

Hindi ko pa rin alam kung anong dapat kong sabihin. Susugod ba ko? Sasapakin ko ba yung lalaki? Tatawag ba ko ng guard? Kung hindi siguro dahil sa nangyari sa kin nung huling nanghimasok ako, hindi siguro ako mag-aalangan ng ganito. Namulat na ko sa kahinaan ko, pero hindi ko magawang pabayaan lang ang nangyayari sa harapan ko. Naka-postura ako na parang nagbubunot ng balbas, habang unti-unting lumalapit.

“Okay lang ba kayo?” ang tanong ko. Pambihira. Tinanong ko pa talaga kung okay eh alam ko namang hindi. “May problema ba dito?”

“Ahh wala po, Kuya. Okay lang kami,” sagot ng lalaki. Ay sira-ulo pala to eh. Tawagin ba kong kuya. Nang sandaling yun, sumagi sa isip ko na sapakin yung lalaki dahil tinawag n’ya kong kuya. Tsk. Di na.

Napansin ko na mula ng dumating ako at tumabi sa kanila ay hindi na muli pinagbuhatan ng kamay ng lalaki yung babae. Siguro dahil din sa nandun ako, pero parang lumakas yata ang loob ng babae, dahil sa gitna ng paghahagulhol nya ay pinapalo na n’ya ang lalaki, o tinutulak papalayo.

“Anong ginawa ko sa ‘yo? Ha? HA??” tanong ng babae. “Ba’t mo ko sinasaktan??” Sabay palo uli sa braso ng lalaki.

“Eh ba’t mo ko iniwan, ha?? Hinanap kita, bigla ka na lang nawala!”

“O, di ba sabi mo, maghiwalay na tayo?”

Habang naririnig ko silang nagtatalo sa harapan ko, hindi ko malaman kung meron ba kong dapat sabihin, o gawin. Medyo nawawala na yung kaba ko kanina. Sa totoo lang, nagulat ako na medyo may pagpapakumbaba ang tono ng lalaki nung sinagot nya yung tanong ko kanina. Hinanda ko na ang sarili ko sa eksenang mumurahin ako ng lalaki at sasabihing “Eh bakit ka ba nakikialam?” Bagama’t hindi ko hinihiling na mangyari, hinanda ko na rin ang sarili ko kung sakaling magkakaroon ng suntukan.

Mukhang natapos na yata ang pag-aaway nila, pero mukhang hindi sila nagka-ayos dahil kinuha ng lalaki ang dalawang shopping bag ng babae at naglakad papalayo. Nagulat ako dun. Mag-nobyo ba ‘to sila? Parang hindi yata, kasi bakit naman kukunin nung lalaki yung gamit ng babae? Magnanakaw? Hmm. Mag-asawa siguro. Parang yun ang mas kapani-paniwala na dahilan.

Sumakay ng taxi ang lalaki, at naiwan naman ang babae na umiiyak pa rin sa tabi ko. Nakita ko na binuksan muli ng lalaki ang pinto ng sasakyan at may sinigaw sa babae. Iniisip ko na baka tinatanong n’ya kung Ano, sasakay ka ba?? Pero nanatiling nakatayo ang babae. Minabuti ko lang na tumayo lang din sa tabi n’ya, habang tinitimbang ang mga pangyayari.

Ilang minuto ang lumipas, at lumabas ng taxi ang lalaki. Hindi siguro sila nagkasundo ng drayber, dahil naglakad pa s’ya papalayo para mag-abang uli ng taxi. Medyo malayo din ang distansya ng lalaki sa aming dalawa ng babae. Bagama’t hindi ko pa rin alam anong susunod kong gagawin, naisip kong kung meron akong dapat gawin, ngayon na ang tamang pagkakataon. Lumingon ako sa aking kanan, at sinabing:

“Hindi tama yung ginawa n’ya sa ‘yo.. Mali yun.”

Tumingin ako muli sa aking kaliwa, dahil may parte ng utak ko na iniisip na may biglang susugod sa ‘kin ng dahil sa selos. Pero nakatayo pa rin dun yung lalaki, nag-aabang ng taxi, kaya nagpatuloy ako sa aking sinasabi sa babae.

“Wag mong kunsintihin yung ginawa n’ya sa ‘yo. Asawa mo ba yun?”

Sa gitna ng pagpunas ng kanyang luha gamit ang isang panyo, sumagot ang babae ng “Oo”.

“Ito ba unang beses na ginawa n’ya to sa ‘yo?”

Isa uling “Oo” ang sinagot niya.

“Wag mong kunsintihin na ginaganyan ka n’ya.. Kasi pag hinayaan mo lang yan, uulit at uulit yan.”

Tumango lang s’ya sa akin, habang humihikbi.

Bumalik ako muli sa pwesto ko na parang nagmamasid. Tinitignan kung kumikilos ba ang lalaki dun sa malayo. Nagulat na lang ako dahil biglang kinausap ako ng babae.

“K-kuya..”

Err.. eto na naman tayo sa “kuya” na tawag, sa isip-isip ko.

“Meron pa bang dumadaan dito na bus papuntang Bocaue?” ang tanong ng babae.

Bocaue. Pamilyar ang lugar. May mga pagkakataon na din dati na napagawi ako sa direksyon nun. Mga masasayang alaala na hindi ganun kadaling malimutan.

“Ah.. meron pa naman,” sagot ko, “Pero bihira na pag ganitong oras.”

Pasado ala-una na nun, at alam kong mahirap makakita kaagad ng bus na masasakyan n’ya.

“Taga-Bulacan ka ba?” tanong ko.

Tumango uli ang babae bilang sagot.

“O sige. Samahan na lang kita hanggang sa may dumating na bus.” Alam kong bihira lang talaga, at hinihiling ko na sana nga may dumating na bus, kung hindi ay matagal-tagal ang gagawin naming paghintay.

Tumitingin pa rin ako sa aking kaliwa, binabantayan kung nasaan ang lalaki. Ilang minuto pa ang nagdaan, at nakita kong siya naman ang unti-unting lumalapit sa amin. Tumayo ako ng matuwid, at tahimik na pinagmamasdan ang bawat kilos n’ya. Hindi ako pwedeng mag-mukhang nanghahamon ng away, o magmukhang pwedeng maliitin. Kalmado lang, nakabantay, habang papalapit ng papalapit siya sa amin. Dumaan siya sa likod ko at marahan lang akong umikot para nasa harapan ko pa rin siya.

Nagpatuloy sila sa kanilang pag-uusap, at pansin kong hindi na gaya ng kanina na may sakitang nangyayari. Dito na muna ‘ko, sa isip-isip ko. Nung mga panahong yun, naisip ko na na baka magka-pikunan sila sa gitna ng pagtatalo, at maulit ang kaninang paghahawi ng ulo. Hindi ko alam kung anong gagawin ko ‘pag nangyari uli yun, pero hindi ko magawang umalis na lang.

“Eh bakit mo ko sinuntok, ha??” naputol ang aking pag-iisip sa sinabing yun ng babae. Napaisip ako kung may nakita ba kong pag-suntok kanina. Wala akong maalala, pero hindi rin naman malayo na hindi ko lang nakita nang ginawa iyon.

“Sinuntok?” napikong tanong ng lalaki, “Anong sinuntok??” At habang sinasabi n’ya yung huling linyang yun, idiniin nya ang kanyang hintuturo sa sentido ng babae.

Hindi na ‘ko nakapagpigil. Tinapik ko ang braso ng lalaki, mga tatlong beses. Napatigil s’ya at napatingin sa akin.

“Hindi tama yan,” ang marahan, ngunit seryosong winika ko sa kanya. “Mali yang ginagawa mo.”

Nakahanda na ko kung sakaling galit na sabihin sa kin ng lalaki na “Eh pakialam mo ba??” Pero sa totoo lang, wala akong pakialam kung yun nga ang sasabihin n’ya. Hindi ko magawang tumayo lang pag may nakita akong babaeng pinagbubuhatan ng kamay. Pakialamero na kung pakialamero, pero hindi ko kukunsintihin ang mali.

Pero nagulat ako, dahil sa mahinahon uli na boses n’ya, eh sinagot n’ya sa akin na “Oo nga po eh, alam ko naman pong mali ako, kuya”

Pinakinggan ko ang paliwanag n’ya. Kung papanong nasa kabila sila ng EDSA nang biglang mawala yung misis n’ya. Kung papanong naghanap s’ya ng mapagbibilhan ng load ng cellphone n’ya. Kung papanong nag-alala s’ya dahil di nya mahanap ang misis n’ya. Kung papanong naka-inom s’ya–

“Nakainom ka??” iritableng tanong ko, “Pag nakainom ka, wag kang padadala sa galit mo!”

Eto’ng dahilan kaya galit ako sa mga iresponsable kung uminom eh. Ipagmamalaki na kaya nila ang sarili nila, pero simpleng pag-disiplina sa sarili pag nasa inuman na, hindi magawa. At kadalasan, pag nasobrahan na ng alkohol sa katawan, nawawalan na ng tino. Minsan pa nga eh nagiging barumbado.

Nagtitimpi akong nakikinig sa mga paliwanag n’ya, tumatango na kunwari naiintindihan ko yung pinanggagalingan n’ya. Pero bagamat sinasabi kong “Naiintindihan ko naman yun eh”, ito pa rin ang lagi kong sinasabi sa huli: “Hindi tama yan”.

“Eto, sasabihin ko sa ‘yo ah,” wika ko sa kanya, “Hindi ako laging nakakakita ng ganitong eksena pag nandito ako, at ayokong masanay na me ganitong nakikita, kasi hindi tama yun eh. Hindi natural yun!”

Nangaral na naman ako. Siguro iniisip-isip ng lalaki, sana sinapak na lang ako nito.

“Asawa mo yan di ba?” tanong ko sa kanya. “O, naka-ilang sine na tayo eh; na ang sinasabi, ang babae.. minamahal yan. Nire-respeto. Hindi sinasaktan”. Minsan, hindi ko na alam kung san ko napupulot yung mga salitang sinasabi ko. At yung tono ng pananalita ko pag may pinagsasabihan akong tao na mali s’ya, haha. Nakakatawang nakakaasar.

“Kayo ba, me anak kayo?”

“Opo”

“Lalaki, babae?”

“Lalaki”

Mas pabor sana sa balak kong sabihin kung “babae” yung sinagot n’ya, pero sige na nga lang. Alangan namang mamili pa ‘ko.

“Ikaw ba, gusto mo paglaki ng anak mo, sasaktan din n’ya yung asawa n’ya?”

“Hindi po”

“Aba’y siyempre! Eto ah, walang sinumang tatay ang gugustuhin na sinasaktan yung anak n’yang babae, kasi hindi tama yun”

Mahaba pa ang naging usapan namin nun, at ang mas mahaba ay yung pagkatapos ko s’yang sabihan na makipag-ayos siya sa misis n’ya, at bahagya akong tumalikod para bigyan sila ng pribadong pagkakataon para mag-usap. Pero hindi ako lumayo. Tahimik lang akong nagmamasid sa aking paligid. Mukha namang hindi na sila nag-aaway, bagama’t hindi ko marinig ang kanilang usapan. Pinagsabihin ko din kasi kanina ang lalaki na “O, baka naman malingat lang ako, tumalikod lang ako dito, pandilatan mo ng mata ‘yang asawa mo”. Tingin ko din naman hindi na yun hahayaang mangyari ng babae. Napansin kong medyo lumakas na ang loob n’ya mula nung unang nakialam ako.

Napatingin ako sa aking relo. Lampas ala-una na nun. ng madaling araw. Naku. Kumukonti na din ang mga taong nag-aabang ng masasakyan. Dahil alam ko ngang bihira ang dating ng bus na pa-Bulacan, alam ko ring malaki ang posibilidad na matagal pa ang gagawin naming paghihintay. Dumating na din yung pagkakataong nag-aalangan na ko kung dapat pa ba ‘kong manatili sa kinatatayuan ko, o magpapaalam na ba ako sa kanila. Hindi ko alam kung tapos na ba ang misyon ko, o kung dapat bang tapusin ko na.

Tinapik ako ng lalaki, at nung lumingon ako sa aking kanan, bahagyang sumagi sa utak ko na baka maghahamon siya ng suntukan. Pero hindi naman pala. Nagpasalamat siya at humingi uli ng dispensa sa kinilos niya kanina. Hindi naman daw siya galit sa akin, kung sakaling nakialam man ako.

“Hindi eh,” sabi ko, “Okay nga lang kung magalit ka eh”. Muli na naman akong napaisip: San ko ba napulot ‘tong mga pinagsasabi ko? “Kasi kung tutuusin nga naman, nangingialam talaga ako. Sige, magalit ka kung magalit. Pero hindi pwedeng tumayo na lang ako dito ng walang ginagawa, kasi HINDI TAMA YAN.”

Maraming minuto pa ang nagdaan, at nandoon pa rin kaming tatlo. Nag-uusap muli ang mag-asawa, at ako naman itong naghihintay ng kung ano, pero hindi alam kung ano. May nakita na kong bus na mukhang pwede nilang sakyan, pero hindi naman sila kumilos nung binanggit ko ‘to sa kanila. Lumipas pa uli ang maraming minuto, at nasa gitna ako uli ng pagmumuni-muni, ng bigla kong makita ang babae na naglalakad sa aking bandang kanan, at sinabi sa aking “Thank you, kuya”. Kasunod n’ya lang ang kanyang asawa, at mukhang sasakay sila dun sa bus na naka-para sa aming harapan. Teka.. hindi naman pa-Bulacan yung bus na yan ah, ang naisip ko. Isa pa, pwede din akong sumakay sa ganyang biyahe na bus. Pero siguro dahil nawala na lahat ng tensyon ng mga naunang pangyayari, ang nasabi ko na lang sa kanila eh:

“Ah, sige. Ingat!”

At parang ganun lang, naiwan ako dun na mag-isa. Uhm… ayun. Pinagmasdan ko pa habang papalayo ng papalayo ang bus sa aking kinatatayuan. At gaya ng unang tagpo,  nagpatuloy ako sa paghihintay ng masasakyan, at sa pagtitimbang kung ano ba dapat ang sakyan ko. Tsk. Malapit nang mag alas-dos. Wala ng saysay magtagal pa dito.

“Makauwi na nga,” sabay lapit sa isang nakaparadang taxi.

 
-Ed. E.

Advertisements

3 thoughts on “Hindi Tama Yan

  1. Kung ako siguro un nakakita sa nangyari, baka hinambalos ko na un lalaki. Walang matinong lalaki na mananakit ng babae sa kahit ano pa mang dahilan.

    Like

What did you think of this entry? Would love to hear your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s