Sirang Plaka

Sa tuwing me bago, asahan mong pagkakaguluhan ito. Kung bagong sapatos yan, asahan mong di ka titigil sa kakalakad. Kung bagong damit yan, malamang suot-suot mo yan sa tuwing may lakad ka. At kung bagong presidente yan, asahan mong me banda, artista, at magarbong media coverage.

Kaninang nanonood ako sa maliit naming telebisyon, hindi ko maiwasang maikumpara ang mga napapanood ko sa mga nagdaang inagurasyon na nakita ko. Bakit hindi, eh parang wala namang pinag-iba. Nag-iba siguro ang tugtugin, pero nariyan pa rin ang mga awitin na ang tema ay lagi na lang tungkol sa “paghahanap ng pagbabago”. Mga kanta na tunay nga namang nakaka-antig ng damdamin, yung tipong pagkarinig mo eh maniniwala kang bukas na bukas eh maayos na ang lahat.

Ang problema kasi dun, gaya ng liriko ng mga kantang yun, lagi na lang nating “hinahanap” ang pagbabago. Madalas nating makalimutan na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa atin mismo. Kalimitan ay inaasa natin sa isang tao, o organisasyon ang pagbabagong hanap-hanap natin. Sa totoo lang, hindi mo kelangang ipagsigawang hinahanap mo ang pagbabago. Mas mainam kung ikaw mismo, sa makakaya mo, ang magsisimula nito.

Hindi mahirap maunawaan kung bakit konti lang ang nakikita mong kumikilos sa isang bansa, o isang komunidad. Mahirap nga namang mapagbago ang isang tao kung nasanay na s’ya sa mga nangyayari sa kapaligiran n’ya. Hindi mo madaling mapapansing me dumi sa mata mo, kung matagal ka ng nasanay dito.

Natatawa ako, dahil sa kahit anong talumpati ng sinumang politiko, hindi mawawala ang mga salitang talaga namang mapapatayo ka at mapapapalakpak. Mabilis tayong madala sa mga ganun kasi. Parang isang propeta na nagdadala ng mabuting balita, hindi maiiwasan kung tayo ay makaramdam ng alab sa ating mga puso sa ating naririnig.  Ayun nga lang, pag nakaranas na ng paghihirap, at nagtagal na bago makita yung pinapangakong “pagbabago”, asahan mong maglalabasan ang mga kritiko, at sunod-sunod na ang mga reklamo. Kaya hindi talaga magbabago ang politika sa bansang ito, kung hindi magbabago ang mentalidad ng bawat Pilipino na “binoto ka; bahala ka na“.

Mahirap ba? Siguro nga, pero hindi imposible.  Ilang beses ng pinapatugtog yung mga tugtugin na may tema ng pagbabago, pagkakaisa, at paglaya. Gasgas na ang plaka sa paulit-ulit na pagtawag sa ating kamalayan, pero ewan ko ba, bingi siguro tayo. Maganda ang mensahe, pero kadalasan eh pinapalabas lang natin sa kabilang tenga yung naririnig natin. Pwede rin namang sadyang mahirap sa atin ang makaintindi. Hindi porke’t malaki ang tiwala mo sa kandidato mo na hindi s’ya magkakamali, eh hindi s’ya magkakamali. Sa halip na ilagay mo siya sa isang pedestal para pamunuan ang buhay mo, hindi ba’t mas maganda kung kasama mo siya sa pagsisikap sa pagbabago? Pagbabago na hindi mahahanap sa iisang tao lamang, pero sa isip at puso ng bawat isa. Pagbabagong hindi lang puro salita, pero me kaakibat na gawa.

 
Magkaisa (may pag-asa kang matatanaw)
At magsama (bagong umaga, bagong araw)
Kapit-kamay (sa atin Siya’y nagmamahal)
Sa bagong pag-asa
-Virna Lisa, Magkaisa

 
-Ed. E.

Advertisements

What did you think of this entry? Would love to hear your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s