PcoS, I Love You

(Babala: Kung gaano kahaba ang pila sa mga presinto kanina, ganun din kahaba ang kathang ito.)

Wala pang alas-siyete kanina, naghahanda na kami bago umalis patungo sa presinto kung saan kami boboto. Iba ang araw na ‘to sa lahat ng mga halalan na pinuntahan ko. Ito kasi ang magiging unang halalan na automated, kumpara noon na manu-manong sinusulat sa papel kung sino ang mga napupusuan na kandidato.

Sa labas ng gate ay may tricycle ng naka-abang. Para mas maging maaga pa ang dating namin, nagpasya na rin kaming sumakay papunta sa voting precinct. Maliwanag na din ang sikat ng araw nun, pero hindi pa naman mainit ang panahon. Sunod sunod ang mga nakita kong jeep na me sakay na mga boboto, isang magandang signos na marami pa din ang nakikilahok sa importanteng pangyayaring ito.

Habang papalapit na sa paaralan na magsisilbing voting precinct namin, parami na ng parami ang mga tao sa daan. Halos mapuno na din ng mga posters at streamers ang kalye, iisipin mong nasa fiesta ka. Hindi mawawala ang mga namimigay ng sample ballots, at ang mga vendors na nagtitinda ng makakain, para sa mga kumukulo ang tiyan.

At gaya ng anumang fiesta, o pagtitipon ng maraming tao, asahan mong marami ka ring makikitang kalat sa daan.

Sa loob ng waiting room, ang lahat ng pumapasok na Senior Citizen ay pinapaupo sa unang row ng mga upuan. Nakakatuwang pagmasdan yung mga upuan na yun. Ang daming taon na ang lumipas mula ng nakaupo ako sa ganitong upuan na gawa sa kahoy. Ilan sa mga upuan ay sira na, at gaya nung ibang naging upuan ko dati, me sulat sa likod. Nasa likod na row ako, kaya malaya akong panoorin ang ibang mga botante na nandoon. Sa tagal ng pag-aabang sa oras naming bumoto sa kabilang kuwarto, me iilang bagay akong napansin sa mga taong nandoon.

Merong ilan na para mapalipas ang pagkabagot sa paghihintay, eh kakausapin yung katabi. “Kanina ka pa?” , o kaya naman eh “Ang daming tao no?” Kung swerte ka, kakausapin ka din ng pinagtanungan mo. Pero me ilan namang kuntento na lang na sabihan ka ng “Hehe“, o kaya eh tatango na lang sa ‘yo. Yung iba naman eh maghahanap ng kakilala, sa loob o sa labas ng classroom. Tapos pag me nakitang pamilyar na mukha, tatawagin ang pansin nun at makikipagkamustahan.

Andiyan din naman yung iilan na walang ibang ginawa kundi ang mag-reklamo, sa lahat na yata ng pwedeng makitang bagay. Sira ang bentilador. Ang haba ng pila. Ang tagal ng usad ng pila. Ang daming Senior Citizen sa harapan. Bakit daw nakaupo rin sa harapan yung kasama ng mga matatanda. Tapos na daw yung mga kasama nila sa ibang presinto. Ang sarap sigawan ng “Manahimik na lang kayo sa mga upuan nyo!”  Mahaba talaga ang pila, tanggapin mong hindi lang ikaw ang bumoboto sa araw na ‘to. Kung sira man ang bentilador, ba’t di kayo nagdala ng pamaypay? Para sa akin naman, ayos lang na me kasamang kahit isa ang mga matatanda, lalo pa kung hindi nila kaya maglakad mag-isa. Lumalabas lamang kung paano nagiging makasarili ang mga tao sa mga ganitong sitwasyon. Mabilis magreklamo, pero kung iisipin mong mabuti, sarili lang naman ang iniisip lagi.

Isa ding napuna ko eh kung pano di marunong sumunod sa simpleng patakaran ang mga tao. Magtatawag sa harapan ng sampu na pupunta sa kabilang kuwarto para bumoto, at ang dapat lang naman mangyari eh aabante kaming lahat para palitan ang mga upuan na nabakante. Pero sa di mawaring pagnanais na magmadali, sa halip na sundin na lang ang linya, me ibang tatawid sa unahang row, kaya naman hindi maiiwasan na magulo ang pila. Ang nangyari nga kanina sa waiting room namin, pagkaupo namin, me isang nawalan ng upuan. Ilang ulit pang kinelangan tumayo uli at mag-adjust ng pwesto. Isang simpleng patunay, na minsan mas matatagalan ka pa kung panay shortcut ang gagawin mo. Disiplina lang ang kailangan.

Dumating na din ang pagkakataon naming bumoto sa wakas. Mas nauna ang nanay namin kaya hinihintay nya na lang kami ng kapatid ko sa labas ng classroom. Ang gara dun sa kabilang kuwarto, ang simple lang, at iisipin mong saglit lang ang itatagal mo sa pagboto. Sa harapan nakalagay ang Precinct Count Optical Scan Machine, o mas kilala ngayon na PCOS Machine. Kanina sa waiting room, nag-alala pa ko, dahil wala akong dalang ID. Pero mabuti na lang meron silang listahan ng mga botante, kasama ang mga ID pictures namin. Naaliw ako sa itsura ko nung kinuha ko yung litratong yun. Iba sa itsura ko ngayon, pero sapat na para makilalang ako nga yun. Binigyan ako ng folder, ballot sheet at ng marker, at naghanap na ko ng mauupuan.

Sa eleksyon lang ang alam kong pagkakataon na hindi ka pagbabawalang magdala ng kodigo. Kung sabagay, maski sa sitwasyong ito, pinapadali nga naman nito ang buhay mo. Sa dinami-dami ng dapat mong i-shade, matatagalan ka talaga kung sa mismong araw ng pagboto mo pa pag-iisipan kung sino ang pipiliin mo. Gamit ang kapirasong papel na pinagsulatan ng mga napiling kandidato, ilang minuto lang at tapos na ako.

At dahil unang automated election ito, nagpaturo ako kung papano ipapasa ang aking balota. Ginabayan pa ko sa paglagay ng ballot sheet ko sa PCOS machine, at natawa ako nung sinabihan ako na pwede kong hintayin na sabihin nung machine na “Congratulations, Your Vote has been Registered“. Pagkalabas nung mensahe na yun, dalawa na lang ang kelangang gawin: thumbmark at indelible ink. Pagkatapos nun, uwian na!

Suma total, naging maayos naman ang pagboto ko sa araw na ‘to. Siguro kung tumulad ako sa ibang kababayan natin na hindi gumising ng maaga, o hindi hinanda ang listahan ng mga kandidato nila, malamang palubog na ang araw sa pag-uwi ko. Nakakaawang isipin na kung sino pa yung mga nagrereklamo sa haba ng pila, kaya umuwi na lang, yun pa kadalasan ang mga walang ginawa sa buhay nila kundi magreklamo. Hindi natin dapat i-asa lahat sa mga kandidatong hinahalal natin. Yun ang problema natin minsan. Kulang tayo sa sariling pagsikap, mas madali sa ‘ting magreklamo at magsa-walang kibo.

-Ed. E.

Advertisements

What did you think of this entry? Would love to hear your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s